Para sa aking ina, hindi ko alam kung paano ko ito uumpisahan dahil sobra sobra ang aking nararamdaman sa mga oras na ito. Lalo na at sasapit ang araw ng mga nanay na malayo ako sa piling nio. Hindi din siguro sasapat ang mga salitang maisusulat ko upang ilarawan ang aking pagmamahal para sa'yo at kung gaano ako kaligaya na ikaw ang naging ina ko.
Marahil ay uumpisahan ko na lang ito sa paghingi ng paumanhin sa mga sakit ng ulo na naihatid ko sa inyo. Sa mga araw na nasasagot ko kayo ng pabalang. Sa mga gabing hindi kayo nakakatulog ng mahimbing sa pagaalala na hindi pa ako umuuwi ng bahay. Sa mga pagkakataon na nabibigyan ko kayo ng hindi maipintang mukha kapag nagkukuripot kayo. Sa mga panahong nagpapanggap akong walang naririnig kapag nangungulit kayo. Patawad po.
Hindi matatawaran ng sino man ang pagmamahal na ibinibigay mo sa aming magkakapatid. Ang mga sakripisyo at paghihirap na dinanas mo para lang mapalaki kami ng maayos at mabigyan ng maginhawang buhay. Simula sa pagbabalot ng uling, pagtitinda ng gulay at sa pagbebenta ng manok sa palengke. Ang pagtitiis na gumising sa madaling araw at umuwi ng gabi para lang siguraduhing meron kang maihahaing masarap na pagkain sa hapagkainan. Ang ipangutang kami sa kaliwa't kanan para lang may maipangmatrikula kami sa eskwelahan at matustusan ang aming mga pangangailangan.
Salamat mama.
Sa mga pangaral, at sa mga pag papaalaala. Salamat po dahil kahit madalas mong sinasabing nagsasawa ka na sa pagpapaalala dahil sa sobrang tigas ng ulo ko eh paulit ulit mo pa ding ginagawa. Salamat po sa bawat pang-unawa na laging handa mong ibigay kapag wala ako sa kundisyon. Salamat sa pagaalaga at sa walang hanggang pagmamahal. Salamat po.
Salamat sa bawat pag gabay at sa laging pagsuporta sa mga gusto kong gawin. Salamat sa hindi pagkwestiyon sa mga desisyon ko sa buhay kahit na minsan ay reyna ako ng sablay. Hinahayaan mo akong tumayo para sa sarili ko pero hindi ka nawawala para alalayan ako. Salamat sa pagtitiwala at sa palaging paniniwala na kapag ginusto ko ay magagawa ko. Salamat po. Ipinagmamalaki kong ikaw ang nanay ko. Mahal na mahal kita mama. Wala pa ring tatalo sa Alaska. Laking bearbrand man ako Ikaw pa rin ang nido ng buhay ko, coz you're my number one
Happy Mother's Day Ma. Iloveyoupo :-*
没有评论:
发表评论